Patay ang isang barangay tanod sa Santa Ana, Maynila matapos siyang barilin ng apat na lalaki na nakasakay sa dalawang motorsiklo. Ang biktima, nasangkot na raw noon sa iligal na droga pero nagbago na.
Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News TV's Balitanghali nitong Sabado, ipinakita ang bahagi ng CCTV footage kung saan nakunan ang pagpatay kay Christopher Granada, tanod sa barangay 783, Santa Ana.
Sa video, makikitang nakahiga si Granada sa isang nakaparadang tricycle, at ang ilang beses na pag-ikot sa lugar ng dalawang motorsiklo na sinasakyan ng apat na salarin.
Hindi nagtagal, huminto ang dalawang motorsiklo at lumapit ang isang sakay nito at malapitang binaril si Granada.
Nang tila nagkaaberya ang baril ng salarin, lumapit ang isa pang sakay ng motorsiklo at pinaputukan muli ang biktima.
Kalmado lang na umalis ang apat na suspek na parang walang nangyari.
Hinala ng mga nakatrabaho ni Granada sa barangay, maaaring may kinalaman sa droga ang pagpatay sa biktima.
May record na rin daw noon si Granada sa mga pulis tungkol sa iligal na droga.
Pero unti-unti na raw itong nagbago mula nang maging tanod ng barangay.
Kamakailan lang daw ay may nagpapabili ng droga kay Granada pero tinanggihan niya ito.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang mga salarin. — FRJ, GMA News
Loading...
Post a Comment